Sa isang dula, ako yung bida. Ikaw naman sa isa pa. Magkaibang kwento na yung nagpapatakbo sa oras natin, pero iisang entablado.
Dumating ka. Hindi ko inaasahn yun, pero hinila mo yung kamay ko, at sabi mo, 'Ikaw, ikaw na lang si Dorothy.' Kahit litong lito ako, paulit ulitkong tinatanong sayo, 'Ako? Hindi pwede. Magagalit yung bago mo,' tumayo pa rin ako, sumunod kung saan gusto mo kong ibalik sa mundo mo. Wala kang pakealam sa kanya, parang dati lang. Sa panaginip ko, sa akin ulit umikot yung mundo mo.
Nagising ako, mga bandang alas singko. Hindi ko alam kung anong dapat kong maramdaman, pero pumikit ako ulit, hinugot sa pinakamalalayong sulok ng ala-ala ko lahat ng mga bagay na alam ko pa tungkol sayo. Alam kong ang hilig hilig mong mag computer, pero kahit minsan, hindi mo inubos yung oras mo dun kapalit ng para sa akin. Mahiyain ka, pero ikaw yung nagpumilit na ipaalam sa iba na iyo ako, na merong tayo. Noon, inis na inis ako sa mga ginagawa mo. Ngayon, yung mga pinakanakakainis yung pinaka-namimiss ko.
Ang tagal na nun. Ang dami nang nabago. Siguro, hindi na ako yung naaalala mo pag pumupunta ka sa Baguio. Ang dami ko nang hindi alam tungkol sayo, at aaminin ko, sa buong panahon na nawala ka sa buhay ko, napakahikli ng naubos ko sa paglimot sayo. Sorry, natakot kasi ako.
Ang dami ko kasing palpak nun eh. Ang daming mali sa buhay ko. Ikaw lang yung tama, pero pakiramdam ko, malapit ka na ring mawala. Kaya ako umayaw ng hindi nagpapaliwang kung ano ba talaga yung dahilan. Ayoko kasing ako yung maiwan... Makasarili, oo, pero yun yung totoo. Natakot ako na yung kaisa-isang tama sa buhay ko, makikita kung gaano kalaking pagkakamali pala yung mahalin ako. Pakiramdam ko kasi, hindi ako worthy. Hindi ko naman alam kung pano ipaliwanag sa paraang maiintindihan mo. Paano mo ba sasabihin sa taong ibinibigay lahat sayo na hindi ka na masaya, pero hindi mo alam kung bakit? Hindi ko gustong hanapin yung sarili ko, kasi kung yun yung dahilan ko, eto ako ngayon, pagkalipas ng maraming taon, hindi ko pa rin alam kung ano talaga yung gusto ko.
Yung kanta ko dati para sayo, ginagamit nang theme song ng isa sa mga pinakasikat na palabas ngayon. Minsan, napapangiti ako. Ang dami na kasing mga bagay na hindi na pwedeng ibalik sa dati. Alam ko naman yun. Pero pag naririnig ko yung kanta, parang nandun ulit ako, buong buo sa palad mo. Hindi ako nagsisisi o nanghihinayang na nagkaganito tayo. Alam ko naman, masaya ka na ngayon.
Sana lang, maging masaya na din ako.