Tatlong taon na pala.
Sa sobrang busy ko, ngayon ko lang naalala. Tatlong taon na pala. Parang ang bilis, pero at the same time, ang tagal na rin. Hindi ko maintindihan. Minsan, yung sakit, nanunuot sa akin. Nararamdaman ko, parang isa-isang binabali yung mga buto ko. Ganun pala yun. Sabi nila, "heartache" daw, pero ramdam naman sya ng buong katawan.
Dati, para akong nangangapa sa dilim. Hindi ko talaga alam kung saan ako magsisimula. Gabi-gabi akong nagtatanong, kaya ko pa ba? Siguro. Pero pano? Pano nga bang kalimutan ang isang taong nagbigay sayo ng napakaraming ala-ala?
Ngayon ko lang naiintindihan, hindi naman pala kita kailangang kalimutan. Ang kailangan lang pala, tanggapin ko na wala ka na. Kailangan ko lang palang kumbinsihin yung sarili ko na wag nang maghintay, kasi hindi naman roundtrip ang buhay. hindi ka na babalik. Hindi na kita makikita ulit. Kahit kailan, hindi ko na malalaman yung sagot mo sa napakarami kong mga tanong.
Sana pala, nung nandito ka pa, sinabi ko na sayo lahat ng gusto kong malaman mo. Sana hindi ako nagpadala sa takot na baka magkaiba pala tayo ng pananaw sa buhay. Kung alam ko lang, sinulit ko na yung presence mo. Nagpakalunod sana ako sa tunog ng boses mo. Dinala ko sana sa isip ko bawat salitang sinabi mo.
Hinayaan lang kita, kasi akala ko, nandyan ka lang lagi, kagaya ng sinabi mo. Nanghihinayang ako sa lahat ng pagkakataon na pinalampas ko, at kung nasaan ka man ngayon, sana hindi ka nagsisisi ng ganito. Akala ko kasi, lahat ng bagay permanente. Akala ko kasi, may oras pa.
No comments:
Post a Comment