Nalulungkot na naman ako. Umuulan na naman kasi. Naaalala ko na naman kasi lahat ng bagay na isa-isa kong pilit kinalimutan. Akala ko ba, pag ginusto mo, makakaya mo? Hindi naman yata. Matagal-tagal ko na ring niloloko yung sarili ko, pero hanggang ngayon, hindi pa ako ganun kakumbinsido.
Ang hirap sa isip ko, ayaw nyang tumigil eh. Ikot ng ikot ng ikot ng ikot, pabalik-balik sa mga eskinitang wala namang ibang patutunguhan kung hindi ang isa't-isa. Ako na nga yung napapagod eh. Kung may switch lang yung isip, siguro, matagal nang naka-off yung sakin. Kung bumbilya to, hindi ko na rin kailangan i-off yung switch, kasi, sigurado ako, matagal na syang napundi.
Yung orasan namin, nasira na't lahat, pero ako, eto, naghihintay pa rin. Yung orasan kasi, de-baterya. Ako, hindi. Araw-araw may charge, sa ayaw at sa gusto ko. Ang sarap sigurong malowbatt paminsan-minsan. Yung tipong tahimik lahat, pati konsensya ko. Walang magbubulong sakin na, "sana pala...", walang ingay. Walang kahit anong pipilit sakin na gumising, bumangon, piliting makatagpos ng isang araw. Isang araw na walang saya. Isang araw na naman na wala ka.
Sa totoo lang, sulat ako ng sulat tungkol sayo. Meron naman nang iba eh. Nakalampas na nga, kasi hindi ko pa yata kaya. Ang arte ko, diba? Ewan ko nga ba. Hindi ka naman perfect. Ang daming bagay tungkol sayo na hindi ko naman talaga gusto, pero twing maiisip ko na yung mga nararamdaman ko sayo eh nararamdaman mo naman para sa kanya, parang paminta yung puso ko. Durog.
Ang dami kong sinasabi. Isa lang naman talaga yung gusto kong itanong sayo eh. Masaya ka na ba talaga? Kung hindi, pwede bang bumalik ka na? Kasi gusto kong malaman mo na mali yung ginawa mong pag-alis. Gusto kong malaman mo na ito yung tama...yung tayo. Minsan, nararamdaman ko na ganito rin yung iniisip mo. Hindi ko lang maintindihan kung bakit pinipigilan mo yung sarili mo, kahit ako naman talaga yung nasaktan. Ako naman tong mag-isa. Ako naman tong si tanga na hanggang ngayon, umiiyak pag umuulan.
No comments:
Post a Comment