Pages

Thursday, October 3, 2013

10/03/13

Ngayong gabi, higit pa sa lahat ng araw na nagdaan, nararamdaman ko yung bigat ng kawalan.

Diba dapat nga magaan sa pakiramdam, kasi wala na? Bakit nasabi ngang empty, pero ang heavy naman?

Hindi ko makuhang makalimot, kahit isang segundo. Siguro yun yung problema. Kung pwede lang na bumili ako ng eraser, tapos ikiskis lang sa isip ko para mabura na lahat, gagawin ko. Pero sabi ng mga kaibigan ko, ang isip, nakakalimot, walang problema, kaya yan. Pero ang puso, patuloy na kikilala at makakaalala. 

Parang tama nga yun. Three years ago, iyak ako ng iyak, pilit kang tinatabihan. Naging pangalawang tahanan ko yung damo sa lupa kung saan ka tuluyang natago. Wala namang masyadong nagbago. Hanggang ngayon, nalulungkot ako. Hanggang ngayon, namamanhid yung buong katawan ko kapag pinagbibigyan ko yung puso kong sumilip sa mga ala-ala.

Pakiramdam ko ngayon, isa ako sa mga pinakamalungkot na tao sa mundo. Kung iisipin talaga, medyo OA. Sasabihin ng iba, bakit ba hindi maka move on, eh wala na nga diba? Hindi kasi nila naiintindihan. Para akong naglipat bahay, at hanggang ngayon, nakakahon pa rin karamihan sa mga gamit dahil hindi ko maramdaman na magtatagal ako sa bagong lugar na to. Sayo lang naman kasi ako komportable. Sayo lang naman kasi ako nagpakapamilyar. 

Kinabisado kita. Hanggang ngayon, saulado ko pa kung pano tumaas yung kilay mo pag iniinis mo ko. Kung panong wala ka nang mata pag tumatawa ka. Alam pa ng palad ko kung ano yung pakiramdam na hawakan yung kamay mo. Nag-uunahan na naman yung mga luha ko sa pag-asang dadating ka ulit para tuyuin sila sa pisngi ko.

Ang bigat ng ulo ko. Punong-puno kasi sa tunog ng boses mo. Naaamoy ko sa hangin yung amoy ng buhok mo. Pag pumipikit ako, nakikita pa rin kita....masaya, kuntento, wala nang ibang hihilingin pa. 

Yung isip ko, siguro, balang araw, makakalimot pa. Magiging blurred rin yung mukha mo sa mga panaginip ko. Unti-unti kong makakalimutan yung lamig ng boses mo. Maglalaho rin yung pakiramdam ng palad mo sa palad ko, luluwag din yung dibdib ko na hanggan ngayon niyayakap mo. Pero yung puso ko...habang buhay memory full sa'yo. Patuloy na mananabik, laging maghihintay sa araw na pwede na ulit. Siguro, sa kabilang mundo. Yung mundong nandito ka pa rin sa tabi ko, nangungulit, nag-aalala, nag-aalaga. Kung pwede lang talaga. Kung may paraan lang sana.

No comments:

Post a Comment