Pages

Saturday, October 5, 2013

10/05/13

Para sa dalawa kong kaibigan na nagsilbing inspirasyon ng post na to. Pag nabasa nyo to, malalaman nyo kaagad kung sino kayo. Wala akong ibang hinihiling kung hindi balang araw, makita ko kayong totoong masaya, sa piling man o hindi ng isa't isa.

Hawak mo ang kamay ko. Mahigpit. Ayokong gumalaw dahil ayokong matapos ang mga sandaling ito. Nakaw, oo. Puslit, oo. Katulad ng mga pagsulyap-sulyap mong madalas nahuhuli ko. Akala mo siguro, hindi ko napapansin. Ang totoo, wala akong ibang nakikita kapag alam kong nakatingin ka sakin.

Hawak ko ang kamay mo. Pakiramdam ko, may kuryenteng gumagapang sa balat ko. Twing nakaunan sa balikat ko yung ulo mo, parang naglalaho yung buong mundo, at walang ibang tao kung hindi ikaw at ako. Walang ibang nandito, sa matamis na panaginip na to, kung hindi tayo. Ayokong gumising. Dito lang kita pwedeng makapiling.

Wag kang aalis sa tabi ko. Gusto kong itigil yung oras pag ikaw ang kasama ko. Bawat isang segundo, taon ang katumbas sakin. Marami sana akong gustong sabihin, pero komportable ang katahimikan na namamagitan sa atin. Ito ang laging binabalik-balikan ko. Yung mga sandaling wala tayong nabibigkas na salita, pero maraming bagay ang napag-uusapan natin sa isang makahulugang tingin.

Sana, pwede akong habangbuhay lang na nakadikit sayo. Alam kong hawak ko hindi lang ang palad mo, pati na rin yung puso mo.  Kung alam ko lang na sa pagbitaw ko ay mababasag pala ito, sana, nakakapit pa rin ako kahit magsugat ang palad ko. 

Ganun rin naman yung kinalabasan ngayon. May naghuhumiyaw na kadiliman mula sa dibdib mo, at nagdurugo ang palad ko sa kapipilit na punan ang mga pagkukulang ko.

No comments:

Post a Comment