Pages

Friday, August 21, 2015

Ilang araw pa ba bago mo ko iwan?

Wala na kasing epekto sakin kung nandyan yung araw, o kung maulan. Hindi ko na napapansin yun, kasi wala na kong maramdaman.

Ilang araw pa bago mo ko iwan?

Kung pwede, pakibilisan. Hindi ako ang mundo para ikut-ikutan mo. Hindi ka rin hangin para manatili lagi sa paligid ko.

Pakiusap, iwan mo na ako.

Ayoko nang gumising na masaya lang sa loob ng limang minuto, pagkatapos, sira na ang araw dahil sa presensya mo. Ayoko nang matulog na ikaw yung huling iniisip ko; saan ba pwedeng magtago para di na tayo magtagpo? Masikip ang mundo para sa akin at sayo, kalungkutan ko.

Ilang araw pa ba bago ka umalis?

Yung kalendaryo ko, puno na ng ekis. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko matitiis na mabuhay sa hinagpis.

Pakiusap, iwan mo na ako.

Tinanggap ko na na hindi ako perpekto. Isang maling desisyon, isang tiket papunta sayo. Gusto ko sanang bumalik sa pinanggalingan ko, yung mundong walang ikaw, yung araw na walang tayo. Pakiusap, iwan mo na ako.

Puno na rin kasi yung isip ko. Ayoko sanang maglaan ng puwang para sayo. Tulungan mo naman akong ulit-ulitin sa sarili ko na nangyari na ang mga nangyari, hindi na mahalaga kung dapat ba o hindi. Ang mahalaga, tapos na. Ang mahalaga, nandito pa rin ako, kahit nandyan ka.

Ang mahalaga, pinipilit kong maging masaya.

No comments:

Post a Comment